PANAWAGAN para sa Mga Papel, Pananaliksik, Artikulo, Akdang Pampanitikan (Orihinal o Salin) sa Mga Regular na Isyu ng Kawíng (Refereed Journal ng PSLLF)*

*Huling in-update ang page na ito noong 24 Agosto 2022.

Pangkalahatang Impormasyon Hinggil sa Kawíng

Ang Kawíng ay refereed/peer-reviewed at open access na journal sa Filipino ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Ink. (PSLLF). Inililimbag ito nang dalawang beses isang taon (tuwing Hulyo at Disyembre). Sinimulan ng PSLLF ang paglalathala sa Kawíng noong 2017. Pangunahing layunin ng journal na maitaguyod ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan, maipalaganap ang mga bagong likhang panitikan ng mga manunulat sa wikang Filipino, at maipatampok ang mga akdang salin na makabuluhan sa konteksto ng lipunang Pilipino. Mababasa sa https://psllf.org/kawing-journal/ ang edisyong online ng journal.

Libre/walang bayad ang pagsusumite ng manuskrito sa Kawíng at libre/walang bayad din ang paglalathala rito, sapagkat lahat ng patnugot, konsultant, at rebyuwer ng Kawíng ay pawang mga boluntir na hindi rin tumatanggap ng kompensasyon kaugnay ng mga gawain ng journal.

ISSN
Rehistrado ang Kawíng sa ISSN National Center Philippines, Bibliographic Services Division, National Library of the Philippines: ISSN 2546-1079 (Online) at 2546-1060 (Print). 

Mga Lahok na Tinatanggap

Tumatanggap ang Kawíng  ng mga artikulo (papel/saliksik o rebyu) sa wikang Filipino. Sa bawat isyu ay maaari ring maglaan ng espasyo ang lupon ng editor/pamatnugutan para sa isang artikulong nakasulat sa English (mababasa sa dulo ng post na ito ang detalye kaugnay nito). Maaari ring magsumite ng orihinal na personal na sanaysay, tula, maikling kwento, dagli, malikhaing di katha o creative nonfiction at iba pang akdang pampanitikan sa wikang Filipino. Ang mga salin sa Filipino ng mga akdang pampanitikan mula sa iba pang mga wika ng Pilipinas  o mga wikang dayuhan ay tinatanggap din. May bukod na mga kahingian para sa pagsusumite ng mga akdang salin. Para sa mga akdang orihinal at salin, prayoridad ng journal ang mga akdang pampanitikan na may kabuluhang panlipunan.


Ang isusumiteng artikulo, akda, at salin ay kailangang HINDI kasalukuyang nakasumite at naghihintay ng tugon/aksyon ng (o HINDI kasalukuyang sumasailalim sa rebyu sa) alinmang akademiko/iskolarling journal sa Pilipinas o saanman, at HINDI pa rin nalathala saanmang akademiko/iskolarling journal.

Petsa ng Pagsusumite ng Lahok

May takdang petsa ng pagsusumite at pagtanggap ng mga artikulo, akda, o salin.

*PETSA NG PAGPAPASA para sa Tomo 6, Bilang 2 (Isyung Pang-Disyembre 2022): Agosto 24-Setyembre 7, 2022

Ang mga nagsumite lamang sa petsa ng pagpapasa ang tutugunan ng mga patnugot, liban kung may ekstensyon ng petsa ng pagpapasa. Hindi tatanggap ng akda/artikulo nang labas sa mga petsang itinakda. Ang polisiyang ito ay ipinatutupad ng mga patnugot ng ating journal sa layuning maging lalong episyente ang pagpapatakbo nito.   

~~~

Halimbawa ng Mga Tema ng Artikulo/Papel/Saliksik

Malaya ang tema ng bawat regular na isyu ng Kawíng. Anumang artikulo/papel/saliksik at rebyu na may kaugnayan sa wika, panitikan, kultura at lipunang Pilipino/Filipino ay maaaring ipasa. Narito ang ilan sa mga halimbawa ng ispesipikong tema ng artikulo/papel/saliksik at rebyu na maaaring ipasa:

Mga Isyung Pangwika

Mga Debelopment sa Gramatika ng Wikang Pambansa

Teorya, Praktika/Metodolohiya ng Pagtuturo ng Mga Babasahing Mandatori

(“Noli Me Tangere” atbp.)

Kontemporaryong Identidad at Kultura ng Mga Pilipino

Mga Saliksik sa Leksikograpiya sa Pilipinas

Representasyon ng mga Pilipino sa Midya

Saliksik-Linggwistiko sa Alinmang Wika ng Pilipinas

Sosyolinggwistika/Sosyolinggwistiks

Paggamit ng Wikang Filipino sa Midya

Wikang Filipino Bilang Wikang Panturo sa Iba’t Ibang Asignatura

Monolinggwalismo, Bilinggwalismo at Multilinggwalismo sa Edukasyon

Teorya at Praktika ng Pagsasaling Teknikal at Pampanitikan

Bagong Pagsusuri sa Teksto at/o Mga Tauhan ng Mga Babasahing Mandatory

Mga Bagong Metodolohiya sa Pagtuturo ng/sa Filipino

Pagbuo ng Makabayang Kurikulum

Patakarang Pangwika ng Pilipinas

Teorya at Praktika ng MTB-MLE sa Pilipinas

Suring-basa ng (mga) bagong aklat (nobela, antolohiya atbp.) sa Filipino

Rebyu ng (mga) bagong pelikula, dula atbp.

Ang mga nabanggit na tema ay pawang mga halimbawa lamang. Maaaring magpasa ng mga pananaliksik at artikulo na di saklaw ng tema basta’t may kaugnayan sa wika, panitikan, kultura at lipunang Pilipino/Filipino.

~~~

Citation at Referencing Style

Sa pangkalahatan, APA ang citation (pagsipi/pag-quote) at referencing style (mga sanggunian) na kinakailangang sundin para sa mga artikulo (papel/saliksik o rebyu). Kaugnay nito, maaaring sangguniin ang sumusunod na webpage: https://apastyle.apa.org/style-grammar-guidelines/citations/

Kaugnay ng mga sanggunian, tiyakin na ang lahat ng materyal na na-cite sa manuskrito ay nasa mga sanggunian, at tiyakin din na ang lahat lamang ng cited sa manuskrito ang nasa mga sanggunian.

Para naman sa pamagat, font type at size, spacing ng mga talata, alignment ng mga talata, at mga pigura at talahanayan, narito ang mga kahingian ng Kawíng: 1) Arial 14 ang font type at size ng pamagat; 2) Arial 12 ang font type at size sa kabuuan ng manuskrito (liban sa pamagat at label at note sa mga pigura at/o talahanayan); 3) 1.15 spaced ang buong artikulo; 4) justified ang lahat ng talata (pati mga sipi/quotes pero ang mga sipi/quotes ay kailangang lapatan din ng APA); 5) justified din ang mga label at note ng mga pigura at/o talahanayan at Calibri 10 ang font type at size ng mga ito (liban dito, APA pa rin ang formatting ng pigura at/o talahanayan).

Ang citation at referencing style ay nasa opisyal na template din. 

~~~

Karagdagang Impormasyon sa Pagsusumite ng Artikulo, Akda, o Salin na Higit sa Isang May-akda o Tagasalin (Multiple Authors/Translators)

Ang magsusumite ng artikulo, akda, o salin ang awtomatikong magiging corresponding author/translator (ang may-akda o tagasalin na padadalhan ng pamatnugutan ng opisyal na korespondensya kaugnay ng isinumite). Kailangang ipagpaalam muna sa lahat ng ko-awtor o ko-translator (at kailangang pumayag lahat) bago isumite ang artikulo, akda o salin. Ang pangalan ng iba pang ko-awtor o ko-translator ay ilalagay rin sa pormularyo ngunit HINDI ilalagay sa Google Form.   

~~~

Maximum na Bilang ng Akda na Maaaring Isumite para sa Bawat Isyu

Stand-alone na tula: 1

Stand-alone na dagli: 1

Sanaysay: 1

Maikling kwento: 1

Kwentong pambata: 1

Dula: 1

Koleksyon ng Tula: 2-5 tula lamang

Koleksyon ng Dagli: 2-5 dagli lamang

~~~

Karagdagang Impormasyon Hinggil sa Pagsusumite ng English na Artikulo

Tumatanggap din ng mga artikulong English ang Kawíngngunit isa lamang artikulong English kada isyu ang maaaring ilathala. Ang mga artikulong English na ang paksa ay o kaugnay ng Philippine linguistics/linggwistikang F/Pilipino, Filipino language/wikang Filipino, at Philippine literature/panitikang Filipino o panitikan ng Pilipinas, ang bibigyang-konsiderasyon.  Aplikable rin sa mga artikulong ito ang format at proseso para sa mga artikulong nasa Filipino. Samakatwid, kinakailangang may abstrak sa Filipino ang isusumiteng artikulo sa English.

~~~

Mga Kailangang Ihanda Bago Ang Pagsusumite ng Artikulo, Akda, o Salin

Dalawang file ang kailangang ihanda para sa pagsusumite ng file:

1) OPISYAL NA PORMULARYO na may kompletong impormasyon; at

2) ANONIMONG (WALANG PANGALAN) ARTIKULO, AKDA, o SALIN, ALINSUNOD SA OPISYAL NA TEMPLATE.

Hindi tatanggapin ang mga file na hindi sumunod sa opisyal na templates.

Kailangan ng gumaganang Gmail para sa pagfill-out ng nasabing form. Karamihan sa mga school/university emails ay Gmail. Mas mainam kung gamitin ang school/university email address para sa pagsusumite. Kung gagawa naman ng bukod na Gmail account para sa pagsusumite, tiyakin, hangga’t maaari na ang inyong email account name ay malapit-lapit sa inyong pangalan – halimbawa’y pangalan o initials at apelyido: luz.dimagiba@gmail.com o mc.dimagiba@gmail.com

Para mga magsusumite ng higit sa isang artikulo, akda, o salin ay kailangan ng bukod na pagfifill-out ng Google Form (at kung gayo’y bukod din na set ng dalawang file) para sa bawat isusumite.

[I-click para makita ang Mga Opisyal na Template; Peer Review Form & Rubrik sa Pagrerebyu ng Artikulo/Akda/Salin; at Google Form para sa Pagsusumite]

Proseso ng Rebyu (Double-Blind Peer Review/Refereeing Process) at Paglalathala

Ang bawat bawat artikulo, akda, at salin na isinusumite sa Kawíng ay sumasailalim muna sa panimulang rebyu/pagsala ng Punong Editor (Chief Editor) at ng Mga Kawaksing Editor (Associate Editors). 

Pagkatapos ng panimulang rebyu/pagsala, bawat nagsumite ng artikulo, akda, at salin ay tatanggap ng alinman sa mga susunod na desisyon: 1) Accepted for Review (tinatanggap para isailalim sa proseso ng double-blind peer review); 2) Desk Rejection (hindi tinanggap at agad na ibabalik sa nagsumite); 3) For Resubmission (hindi tinanggap at agad ibabalik sa nagsumite kasama ang ilang pangkalahatang suhestyon para sa pagpapabuti ng artikulo, akda, o salin, na magiging gabay para ihanda ang manuskrito sa muling pagsusumite nito). Ang korespondensya sa nagsumite at sa mga rebyuwer ay pangangasiwaan ng Tagapangasiwang Editor (Managing Editor).

Ang mga isinumiteng artikulo, akda, at salin na tinanggap para sa rebyu ay sasailalim sa proseso ng double-blind peer review (hindi makikita ng rebyuwer kung kanino ang kanyang nirerebyu at hindi rin makikita ng nagsumite kung sino ang nagrerebyu). Ang mga rebyuwer ay pinipili batay sa kanilang pagiging eksperto sa larangan at/o rekord ng mga publikasyong kaugnay ng artikulo, akda, o salin na irerebyu. 

Para sa proseso ng double-blind peer review, dalawang rebyuwer ang kagyat na itatakda para sa bawat isinumiteng manuskrito. Igagawad ng bawat rebyuwer ang alinman sa mga sumusunod na desisyon gamit ang Peer Review Form ng Kawíng: 1) Approved as is (inirerekomendang ilathala nang walang pagbabago, liban sa formatting at/o citation at/o mga sanggunian); 2) Approved with minor revisions (inirerekomendang ilathala pagkatapos na maisagawa ang mga minor na rebisyon na tinukoy ng rebyuwer); 3) Approved with major revisions (inirerekomendang ilathala pagkatapos na maisagawa ang mga major na rebisyon na tinukoy ng rebyuwer); 4) Rejected (hindi ilalathala at ibabalik sa nagsumite kasama ang mga komento/mungkahi ng rebyuwer). Kapag dalawang rebyuwer ang nagbigay ng desisyong kombinasyon ng alinman sa desisyon blg. 1, 2, at 3 ay ilalathala ang artikulo pagkatapos maisagawa ang mga kinakailangang rebisyon, kasama ang kaugnay ng formatting at/o citation at/o mga sanggunian. Kapag isang rebyuwer ang nagbigay ng desisyong alinman sa desisyon blg. 1, 2, at 3, at ang isa pang rebyuwer ay nagbigay naman ng desisyon blg. 4, magdedesisyon ang Punong Editor at Mga Kawaksing Editor kung kukuha pa ng pangatlong rebyuwer bilang tie-breaker o kung ikokonsidera nang rejected (blg. 4) ang manuskrito. 

Ang mga isinumiteng artikulo, akda, o salin na nakapasa na sa proseso ng double-blind peer review ay sasailalim naman sa copyediting bago ilathala.

~~~

Deklarasyon ng Kawing Tungkol sa Pangkalahatang Polisiya ng Pangmadlang Akses (Open Access)

Sa pangkalahatan, ipinatutupad ng Kawing ang pangmadlang akses (open access) sa lahat ng mga artikulo, akda, o salin sa bawat tomo/isyu ng journal. 

Malaya ang bawat mambabasa, mananaliksik at iba pa na basahin at/o i-download ang lahat ng nilalaman ng bawat tomo/isyu. Malaya rin ang bawat mambabasa, mananaliksik at iba pa na ilagay ang hyperlink/weblink sa Kawing saanmang akademikong website at/o internal na online groups (gaya ng chatrooms, Facebook groups atbp.). 

Malaya rin ang bawat mambabasa, mananaliksik, manunulat atbp. na sipiin/gamitin ang alinmang bahagi ng mga artikulo, akda, o salin sa bawat tomo/isyu para sa non-commercial purposes (halimbawa, bilang sanggunian sa tesis, disertasyon, saliksik, journal atbp.), basta’t may angkop na citation at pagbanggit sa mga sanggunian.  Kung lagpas sa isang pahina ang sisipiin (o kung buong artikulo, akda, o salin ang sisipiin o gagamitin), makabubuting magpaalam mismo sa may-akda. 

Para sa pagsipi o paggamit na saklaw ng commercial purposes (gaya sa paglalathala ng mga teksbuk ng mga pribadong kumpanya o publikong ahensya na may pondong inilaan para sa paglalathala ng nasabing sanggunian), OBLIGADO ang sisipi/gagamit na magpaalam muna sa may-akda ng artikulo, akda o salin, at OBLIGADO rin ang sisipi/gagamit na sundin ang karampatang citation sa at pagbanggit sa Kawing sa mga sanggunian. 

Samantala, ang mismong may-akda naman ay hindi kailangang magpaalam sa Kawing kung gagamitin niya saanman (o muli niyang ilalathala saanman) ang kanyang artikulo, akda, o salin na unang nalathala sa Kawing, basta’t may karampatang citation sa at pagbanggit sa Kawing sa mga sanggunian. 

Hindi pinapayagan ang pagrere-upload ng anumang materyal sa Kawing sa kahit anong website o internal na database.  

Samantala, pinapayagan naman ang mismong may-akda ng artikulo, akda, o salin na ilagay sa kanyang personal na website, database ng kanilang unibersidad, o kaya’y personal na profile sa isang academic resource sharing website (gaya ng academia.edu, researchgate.net atbp.). 

~~~

ARKIBO NG LAHAT NG ISYU NG KAWÍNG

~~~

BALIK SA HOMEPAGE NG KAWÍNG